MANILA, Philippines – Ginamit ni Holly Holm ang kanyang pamatay na boxing power para agawan ng korona si Ronda Rousey sa pamamagitan ng second-round knockout sa main event ng UFC 193 sa Etihad Stadium sa Melbourne, Australia.
Napuruhan ni Holm, isang multi-division world boxing title-holder, si Rousey ng kanyang left straight bago pinabagsak ang dating kampeon sa canvas sa pamamagitan ng left kick sa ulo.
Nang bumagsak si Rousey ay hindi na nag-aksaya ng panahon si Holm at pinaliguan ng hammer fists ang una para angkinin ang UFC bantamweight title at ang pinakamalaking upset sa kasaysayan ng women’s mixed martial arts.
“I had so much love and support,” sabi ni Holm sa post-fight interview. “I just felt like ‘how can I not do this?’ I had the best coaching, from stand-up to grappling, to wrestling.”
Ito ang ika-10 sunod na panalo ni Holm.
Nagawa ni Holm ang ‘di nagawa ng iba na mapatumba ang dating Olympic bronze medallist para sa kanyang unang kabiguan sa 12 laban.
Bago ang naturang laban ay si Rousey tinuturing na heavy favorite bilang isang undefeated at undisputed UFC champion.
Sa kanyang 12-0 record ay tinatalo ni Rousey ang kanyang mga kalaban sa pamamagitan ng submissions o TKOs.
Ang 11 panalo ni Rousey ay nagawa niya sa first round, habang ang pinakamahaba ay sa kanyang three-round submission kay Miesha Tate sa UFC 168 noong Dec. 28, 2013.
Matapos tumanggi si Rousey na maki-pagkiskisan ng gloves ilang segundo bago ang kanilang epic duel ay kaagad nagtrabaho si Holm gamit ang kanyang world class boxing skills.
Humihingal at duguan, muling sinubukan ni Rousey na makakuha ng takedown sa second round, ngunit sinalubong siya ng left straight at left kick ni Holm na siya niyang ikinabagsak.