Kinumpleto na ng Foton ang cast ng semifinals

Si Lindsay Stalzer ng Foton laban kina Mika Reyes at Christina Alessi ng Meralco PSL photo

MANILA, Philippines - Kinumpleto na ng Foton Tornadoes ang mga koponan na maglalaro sa semifinals sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament nang talunin sa limang sets ang Meralco Power Spikers, 25-18, 18-25, 14-25, 25-16, 15-8, kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Naibalik ng Tornadoes ang pagtutulungan sa court sa fourth set bago sinandalan ang galing nina Lindsay Stalzer at Jaja Santiago sa fifth set para palawigin sa apat ang kanilang winning streak.

May 5-3 karta ngayon ang Foton at sila na ang ikaapat at huling koponan na aabante sa susunod na yugto sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo at suportado ng Mikasa, Senoh at Mueller at napapanood sa TV5.

“We know that Meralco is hungry for a win but we prepared enough,” wika ni Lindsay Stalzer na gumawa ng 20 kills, 3 blocks at isang ace.

Natalo ang Meralco sa ikawalong sunod at muling nasayang ang pagbangon mula sa pagkatalo sa unang set nang bumaba uli ang laro sa huling dalawang sets.

Nakadikit pa sa 6-5 sa fifth set, four-touches ang itinawag sa Meralco bago gumawa si Santiago ng tatlong sunod na puntos sa 8-1 palitan para bigyan ang Foton ng walong matchpoint.

Nabawi ng Power Spikers ang dalawang puntos pero isang magandang set ni Ivy Perez kay Santiago ang tumapos sa labanan.

May 14 puntos pa si Santiago habang si Kathleen Messing ay naghatid ng 13. May tatlong aces tungo sa apat na puntos bukod sa 12 excellent sets si Perez para sa panalo.

Sina Christina Alessi, Mika Reyes at Mary Joy Baron ay mayroong 18, 13 at 13 puntos  para sa Meralco na nakasabay sa attack points, 49-49. at nakalamang pa sa ace, 10-9. (AT)

Show comments