MANILA, Philippines - Unang twice-to-beat ticket sa Final Four ang planong kunin ngayon ng UST Tigers habang manatiling buhay ang paghahabol sa huling puwesto sa semis ang nais ng La Salle Archers sa pagpapatuloy ng 78th UAAP men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum.
Mahaharap ang Tigers sa palabang Adamson Falcons sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon at ang ika-11 panalo matapos ang 14 laro ang tuluyang magbibigay sa kanila ng mahalagang twice-to-beat advantage sa Final Four.
Ito na rin ang huling laro ng Tigers sa double-round elimination at sa 10-3 karta ay nakasisiguro na ang koponan ng playoff para sa mahalagang insentibo.
Naka-playoff na rin ang FEU Tamaraws (10-2) habang ang Ateneo Eagles (9-4) ay puwede pang makahabol kung mananalo sa huling asignatura at hindi umabot sa 11 wins ang FEU at UST.
Galing ang tropa ni coach Bong dela Cruz mula sa 85-76 panalo sa Tamaraws at tiyak na gagawin ng mga manlalaro ang lahat ng makakaya para hindi na dumaan sa masalimuot na landas sa hangaring insentibo.
“We want the twice-to-beat advantage. We will not take them lightly and we will go hard for this win,” wika ni Karim Abdul na kasama sina Kevin Ferrer at Ed Daquioag na inaasahan sa UST.
Hindi puwedeng maliitin ang Falcons dahil naipanalo nila ang dalawa sa huling tatlong laro at tiyak na gusto pang wakasan ang nabigong kampanya bitbit ang dalawang sunod na tagumpay.
Sisikaping bumangon ng Archers mula sa 62-73 pagkatalo sa karibal na Ateneo upang manatiling palaban pa sa puwesto sa Final Four sa pagsukat uli sa sibak na sa kontensiyong UP Maroons.
May 5-7 karta ang Archers para malagay sa ikalimang puwesto at kapos ng isang panalo sa nagdedepensang kampeong National University Bulldogs (6-7) na nasa mahalagang pang-apat na upuan.
Kung matalo pa ang Archers ay malalagay na ang isang paa sa hukay dahil kailangan na lamang ng Bulldogs na maipanalo ang isa sa huling dala-wang laro para magpatuloy ang hangaring maidepensa ang titulo.
Si Jeron Teng ang patuloy na aasahan pero isang player na dapat na bumalik ang dating porma ay si Jason Perkins na mayroon lamang 7.3 puntos at 6.7 rebounds na ibinibigay sa naunang 12 laro. (AT)