MANILA, Philippines - Nagkaroon ng pagkakataon si Rodolfo “J-Jay” Alejandro na maipakita ang angking kakayahan para manatiling palaban ang nagdedepensang National University Bulldogs sa 78th UAAP men’s basketball tournament.
Hindi gaanong napapansin dahil nakatutok ang atensyon kina Gelo Alolino at Alfred Aroga, nagparamdam si Alejandro nang kumana ng career-high na 25 puntos para tulungan ang Bulldogs sa 81-73 panalo laban sa La Salle Green Archers.
May 17 puntos siya sa huling yugto at sinolo ang pinakawalang 14-3 run para ilayo ang Bulldogs sa 65-58.
“Ang mindset ko lagi is kung ano ang maitutulong ko sa team, gagawin ko,” wika ni Alejandro na nahirang na ACCEL QUANTUM/3XVI-UAAP Press Corps Player of the Week.
May 8-of-13 shooting si Alejandro at isa lamang ang naisablay sa anim na buslo sa huling yugto.
“Our defense is there but we lack the offensive firepower. Every time he contributes like that, it really makes it easier for us,” pagpuri naman ni NU coach Eric Altamirano kay Alejandro.