Parks nakuha sa NBA D-League

MANILA, Philippines - Matapos magsara ang pintuan ng NBA ay may bintana namang nagbukas para kay Filipino-Ame­rican cager Bobby Ray Parks, Jr.

Hinugot ang 6-foot-4 na si Parks bilang 25th overall pick ng Texas Le­gends para sa darating na NBA D-League season.

Ang Legends ay ang ko­ponan ng Dallas Mave­ricks sa NBA D-League.

Ang dating National University standout ang unang draft pick ng Texas Legends ni coach Nick Van Exel, dating point guard ng Los Angeles La­kers, dahil wala silang first round pick.

Matatandaang hindi na­kuha si Parks sa nakaraang 2015 NBA Rookie Draft, ngunit mas piniling manatili sa United States kesa sumalang sa PBA Draft.

Kung makakapagpa­kita ng maganda ang anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks sa NBA D-League ay ma­aaring matupad ang kan­yang pangarap na ma­kapaglaro sa NBA.

Ang 23-anyos na si Parks ang ikalawang Filipino player na nakuha sa NBA D-League matapos si Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra na napi­li bilang seventh overall pick ng Santa Cruz Warriors noong 2012.

Bagama’t nakuha sa draf­ting ay hindi naman na­pabilang ang 6’8 na si Aguilar sa official line-up ng Santa Cruz Warriors sa NBA D-League regular season.

Naglaro si Parks sa NBA Summer League pa­ra sa Mavericks kung saan siya nagposte ng mga ave­rages na 3.0 points at 1.7 re­bounds.

Hinugot naman ng Aus­tin Spurs, koponan ng San Antonio Spurs, si da­ting Lyceum Pirates’ import Jean Victor Nguidjol.

 

Show comments