MANILA, Philippines – Hindi pa man natatapos ang 2015 season ay nagpaplano na ang Philippine SuperLiga ng programa para sa ikaapat na taon ng liga.
Bukod sa pinaigting na local tournaments, may dalawang international events din ang nakapasok sa susunod na taon sa hangaring ipagpatuloy ang pag-akyat ng women’s volleyball sa bansa.
“Due to our tremendous success this year, we have decided to treat fans to a year-round of intense volleyball action,” wika ni PSL president Ramon “Tats” Suzara.
Magsisimula ang aksyon sa Pebrero ng 2016 sa isang Invitational Cup bago sundan ng isang beach volleyball tournament sa Mayo.
Ang All-Filipino Conference ay gagawin sa Hunyo at ipaparada rito ang mga baguhan mula sa mga collegiate leagues UAAP at NCAA.
Sa Oktubre lalarga ang Grand Prix na katatampukang muli ng mga mahuhusay na imports, habang sa Disyembre ay may gagawin ding beach volleyball event.
Magiging abala rin ang PSL sa gaganaping AVC Asian Women’s Club Championship at kung matutuloy ay ang FIVB World Women’s Club Championship. Ang mga petsa nito ay aalamin pa.
Dahil puno ang kalendaryo ng PSL sa 2016 kaya’t pinag-iisipan ng mga mother teams ang bigyan na ng taunang kontrata ang kanilang mga manlalaro sa halip na per-conference contract.
Ang sistema ay magreresulta rin para hindi na makakapaglaro ang mga players sa ibang liga na hindi sakop ng PSL.