MANILA, Philippines – Opisyal na kinuha ng UST Tigers ang ikalawang upuan sa Final Four sa 83-76 panalo sa UP Maroons sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
May career high na 29 puntos at season high na 14 rebounds si Kevin Ferrer para pangunahan ang laban ng Tigers tungo sa 9-2 karta.
Matapos magkaroon lamang ng isang field goal sa 74-80 pagkatalo sa Ateneo Eagles sa huling laro ay bumawi si Ferrer na may 7-of-19 shooting, kasama ang tatlong triples.
“Tiningnan ko lang ang mga pagkakamali ko last game,” wika ni Ferrer na may tatlong assists at isang steal sa 37 minutong paglalaro.
Ang kanyang dalawang sunod na triples ang nagpalamig sa pagdikit sa isang puntos, 41-40 ng Maroons na bumaba pa sa 3-7 karta.
Bago ito ay winalis ng Ateneo Eagles ang kanilang head-to-head sa nagdedepensang kampeon National University Bulldogs, 68-59. May 32 puntos si Kiefer Ravena at inangkin niya ang lahat ng 21 puntos na ginawa ng Eagles sa unang yugto para bigyan ang koponan ng 13-puntos kalamangan (21-8).
May anim na tres din sa yugto si Ravena habang may 20 si Von Pessumal para dagitin ng Eagles ang pangatlong sunod na panalo at playoff sa Final Four sa 7-4 baraha.
Sina Gelo Alolino at Alfred Aroga ay mayroong 17 at 10 puntos para sa Bulldogs na sa 4-7 baraha ay kailangang walisin ang nalalabing tatlong laro para magkaroon pa ng pagkakataon na maidepensa ang titulo. (AT)