MANILA, Philippines – Kaya ring manalo sa mahigpitang laro ang Cignal HD Spikers nang kanilang daigin ang baguhang Sta. Elena Wrecking Ball sa Spikers’ Turf Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Galing sa mapait na 22-25, 18-25, 25-20, 21-25 pagkatalo sa Air Force Airmen, nagpakita ngayon ng tibay ng dibdib ang mga HD Spikers para makabangon sa kabiguan sa dalawang sets tungo sa 23-25, 22-25, 25-16, 25-20, 15-9 panalo.
Si Lorenzo Capate Jr. ay ibinabad sa huling tatlong sets at tumapos pa taglay ang 13 puntos, habang sina Edward Yba-ez, Alexis Faytaren at Edmar Bonono ay may tig-12 puntos.
Mabisang sandata ng Cignal ang magandang blocking kung saan si Herschel Ramos ay may apat at dalawa ang hatid ni Bonono para bigyan ang koponan ng 14-6 kalamangan.
Nakatulong para sa HD Spikers ang 44 errors ng Sta. Elena para maisantabi ang 63 kills upang lasapin ang ikalawang pagkatalo laban sa isang panalo na kinuha kontra sa Open Conference champion na PLDT Home Ultera Fast Hitters.
Sina Nestor Molate, Alnasip Laja, Myco Antonio at Ace Mandani ay mayroong 19, 17, 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, pero hindi sapat ito para malagay sa ikaapat na puwesto sa anim na koponang liga.