MANILA, Philippines - Bumangon ang Phi-lips Gold Lady Slammers mula sa masamang performance sa unang dalawang sets para kunin ang 23-25, 18-25, 25-21, 25-21, 15-8, panalo sa RC Cola-Air Force Raiders sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix wo-men’s volleyball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Ginamit ng husto ni Alexis Olgard ang kanyang angking height advantage sa mga kalaban habang tumulong din sina Bojana Todorovic, Myla Pablo at Michelle Gumabao para masungkit ang ikatlong panalo sa apat na laro para ma-lagay sa pangalawang puwesto sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Mueller at napapanood sa TV5.
“We just showed patience, stayed calm and come back with one point at a time and take over,” wika ng 6’4” na si Olgard na tumapos taglay ang 18 attack points, 7 blocks at 2 aces.
Ang kanyang atake na nasundan ng block kay Joy Cases ang nagbigay ng 10-7 kalama-ngan sa fifth set.
Nakuha ng Raiders ang sumunod na puntos pero natawagan ng two-touch si Cases habang sina Gumabao at Todorovic ay may tig-dalawang puntos pa upang makumpleto ng Lady Slammers ang pagbangon mula sa 0-2 panimula.
May 25 puntos si Todorovic, may 17 si Pablo habang si Gumabao ay may anim na puntos.
Tinapatan ni Lynda Morales ang puntos ni Olgard sa kanyang ginawang 27 puntos habang sina McClinton at Maika Ortiz ay mayroong 16 at 12 puntos para sa Raiders na natalo sa ikalawang sunod matapos magwagi sa Meralco Power Spikers sa unang asignatura.