MANILA, Philippines - Mas maraming manlalaro sa athletics ang matutuklasan ng PATAFA sa pinag-ibayong Weekly Relay.
Hindi na lamang sa Philsports Oval gagawin ang kompetisyon dahil dadalhin na rin ito sa iba’t ibang probinsya para mabigyan ng pagkakataon ang mga manlalaro rito na maipakita ang angking galing.
Magsisimula ang provincial tour ng kompetisyon sa Bacolod bago matapos ang taon at ang pondo rito ay kukunin sa perang natitira sa budget ng PATAFA mula sa PSC.
“Nakausap na namin ang mga tutulong para magawa ang kompetisyon at ang lugar na pagdarausan sa Bacolod. Hindi rin lamang ito sa Bacolod City gagawin kungdi iikot na rin sa ibang lugar sa Negros para ang mga malalayo na hindi makapunta ay puwedeng mabigyan ng pagkaka-taon na maipakita ang kanilang galing,” wika ni PATAFA secretary-general Reynato Unso.
Pursigido ang PATAFA sa pangunguna ng pa-ngulong si Philip Ella Juico na palakasin ang grassroots para maipagpatuloy ang magandang ipina-kikita sa mga palaro sa labas ng bansa sa 2016.
Ang programa ring ito ay kabahagi sa isinusulong ni Juico na Kids Athletics program bilang pagtalima sa kagustuhan ng IAAF na dumami ang kabataan sa larong track and field. (AT)