MANILA, Philippines - Lalapit pa ang Cignal HD Lady Spikers sa minimithing first round sweep habang ikatlong sunod na panalo ang nais ng Philips Gold Lady Slammers sa pagpapatuloy ngayon ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Itataya ng HD Lady Spikers ang 3-0 karta laban sa malakas ding Foton Tornadoes sa ikalawang laro sa ganap na ika-6:15 ng gabi.
Ang unang laro sa ganap na ika-4:15 ng hapon ay sa pagitan ng Lady Slammers at RC Cola-Air Force Raiders.
Galing ang Philips Gold sa 25-19, 21-25, 27-25, 25-23 panalo kontra sa Meralco Power Spikers noong Martes ng gabi upang madugtungan ang limang sets na pangingibabaw sa Petron Lady Blaze Spikers at ipakita ang kahandaan na makipagpukpukan para sa titulo sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo na may ayuda ng Mikasa, Senoh at Mueller at napapanood sa TV5.
Sina Bojana Todorovic, Myla Pablo at Alexis Olgard ay tumapos bitbit ang 23, 15 at 11 puntos at sila ang inaasahan na magdadala uli ng laban sa koponan upang hindi pabangunin ang Raiders na tumanggap ng 22-25, 20-25, 25-21, 10-25 pagkatalo sa Petron kamakalawa.
Sa pangunguna ng mahusay na import na si Ariel Usher ay pinabagsak ng Cignal ang Petron, Philips Gold at Meralco para maging natatanging koponan sa anim na naglalaban na wala pang mantsa ang karta.
Bukod kay Usher na naghahatid ng 28.3 puntos kada laro, humuhugot din ang Lady HD Spikers ng magandang laro sa isa pang import na si Amanda Anderson at ang rookie mula sa Bacolod na si Fritz Gallenero.
Dapat na magpatuloy ang makinang na paglalaro ng mga ito dahil isang determinadong Tornadoes ang kanilang sasagupain na gustong makabawi mula sa 25-21, 20-25, 15-25, 25-12, 9-15 pagyuko sa Petron. (AT)