MANILA, Philippines - Binigyan ng nagdedepensang kampeong Petron Lady Blaze Spikers ng magandang pagtatapos ang kampanya sa first round sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball sa pagpapataob sa RC Cola-Air Force Raiders, 25-22, 25-20, 20-25, 25-10 kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Hindi nakasama ng Lady Blazers ang mahusay na Brazilian setter na si Erica Adachi dahil sa pagkakaroon ng allergy pero mahusay na pinunuan ni Grace Masangkay ang puwesto para ibigay sa koponan ang ikatlong panalo matapos ang limang laro sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Muller at napapanood sa TV5.
May 18 excellent sets bukod sa dalawang blocks at tatlong aces ang pamalit na setter at ang mahusay na pagdedesisyon sa loob ng court ang nagresulta para sina Rupia Inck, Frances Molina, Rachel Anne Daquis at Dindin Manabat ay tumapos taglay ang 15,13, 12 at 12 puntos.
Sina Sara Christine McClinton at Lynda Morales ay mayroong 21 at 18 puntos ngunit kinulang sila ng suporta mula sa locals para lasapin ang unang pagkatalo matapos ang dalawang laro.
Inakala na mauulit ng Raiders ang five-sets na panalo sa Meralco nang kinuha ang ikatlong set.
Lamang pa sila sa 4-3 nang magtulung-tulong sina Inck, Molina at Manabat sa 12-1 palitan para tiyakin na ang panalo sa 15-5 bentahe.
“It’s a great win. They are really focus and made bawi,” wika ni Adachi na pinanood ang laro ng mga kakampi sa bench ng nakauniporme. (AT)