MANILA, Philippines – Sadyang hindi kaya ng Manila North na resbakan ang Novi Sad Al Wahda.
Sinibak ng nagdedepensang Novi Sad ang Manila North, 21-13, sa quarterfinals ng FIBA 3x3 World Tour sa Abu Dhabi.
Tumapos ang Manila North, binubuo nina Calvin Abueva, Terrence Romeo, Vic Manuel at Karl Dehesa, sa ikaanim na puwesto sa nasabing 12-team tournament.
Tinanggap ng koponan ang konsolasyong US$8,000.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na tinalo ng Novi Sad ang Manila North matapos kunin ang 21-14 panalo sa finals ng torneo sa Manila leg noong Agosto.
Matapos talunin ang Trbovlje ng Slovenia sa semifinals ay giniba naman ng Novi Sad ang Kranj ng Slovenia, 17-14, sa finals para angkinin ang korona.
Nakamit ng Novi Sad ang premyong US$30,000 at ibinulsa ng Kranj ang US$20,000.
Ang pumangatlong NY Harlem ay tumanggap ng $16,000, habang ang pumang-apat na Trbovlje ay nakakuha ng $12,000 kasunod ang Ljubljana ng Slovenia ($10,000).