MANILA, Philippines – Walang nagawa si Francis Casey Alcantara nang makaharap si top seed Enrique Lopez-Perez ng Spain at tuluyan nang masibak sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier ITF Men’s Futures 2 kahapon sa PCA clay courts sa Paco, Manila.
Sinandigan ng 24-anyos na Spaniard ang kanyang eksperyensa para gibain si Alcantara, 6-3, 6-3 patungo sa semifinal round.
“Okay naman ‘yung laro ko. Mas experienced lang talaga siya. Malakas ang bola niya, maganda ang serve niya. Napagod rin ako kasi yung bola niya sobrang haba. Making it into the quarterfinals is still a good finish for me,” wika ni Alcantara, nalampasan ang kanyang second round finish sa nakaraang Manila ITF Men’s Futures 1.
Humataw si Lopez-Perez ng 14 aces sa kanyang panalo kay Alcantara at haharapin si fourth seed Arata Onozawa ng Japan, sumibak kay Kunal Anand ng India, 6-1, 6-1 sa semis.
Nakapasok din sa semis si third seed Kento Takeuchi ng Japan nang matakasan si No. 8 Yu Cheng-Yu ng Chinese-Taipei, 6-4, 7-6 (5) para labanan ang mananalo sa pagitan nina No. 6 Makoto Ochi ng Japan at Katsuki Nagao.
Sa doubles play, tinalo nina Alcantara at eight-time PCA champion Johnny Arcilla ang kanilang mga national teammates na sina Patrick John Tierro at Elbert Anasta, 6-4, 6-2 para makapasok sa semis.
Haharapin nina Alcantara at Arcilla sina Soichiro Moritani at Masato Shiga ng Japan na tumalo kina fourth seeds Issei Okamura at Kento Takeuchi, 7-6 (4), 7-6 (2).