MANILA, Philippines - Hiniritan ng Philippine Azkals ng kagulat-gulat na 0-0 scoreless draw ang matikas na North Korea sa idinaos na 2018 FIFA World Cup Qualifiers sa Kim Il Sung Stadium sa Pyongyang kahapon.
Nasa 50,000 North Koreans ang nanood ng laban para itaas ang morale ng host team na di hamak na mas malalaki rin sa mga Azkals.
Ngunit hindi natinag ang pambansang koponan na hawak ni coach Thomas Dooley at nailabas ang matatalim na pangil lalo na sa depensa upang hiyain ang home team na dalawang beses nang nakapaglaro sa World Cup.
Ang impresibong resulta ng Azkals ay pambawi mula sa 1-5 pagkatalo sa Uzbekistan. Nakakuha rin sila ng isang puntos upang i-akyat sa pito ang points na tangan matapos ang apat na laro.
Nananatili naman ang North Koreans sa liderato sa grupo bitbit ang 10 puntos ngunit nakita nila na natapos ang tatlong magkakasunod na panalo sa Azkals.
Tiyak na makakatulong ang resulta sa Azkals sa pagharap sa Bahrain sa Oktubre 13 sa Bahrain National Stadium sa Riffa.
Ito ang ikalawang pagtutuos ng Azkals at Bahrain at sisikapin ng nationals na maulit ang 2-1 panalo na naiposte sa unang pagkikita na ginawa sa Philippine Stadium sa Bocaue, Bulacan.
Huling laro ng Azkals sa taon ay laban sa Yemen sa Nobyembre 12 at ito ay paglalabanan sa Rizal Memorial Football Field.