MANILA, Philippines – Humablot ng pitong ginto, kasama ang dalawang bagong records, ang Cyber Muscle Gym team sa idinaos na Philippine Raw Bench Press Championships sa Fisher Mall sa Quezon City kamakailan.
Nanguna sa gumawa ang team captain ng koponan na si Joan Masangkay nang bumuhat ng 37.5 kilogram sa 43kg class para sa bagong record sa Women’s Sub Junior, Junior at High School category.
Ang marka ay pampadagdag-kinang sa magandang ipinakikita sa taon ni Masangkay matapos ang makinang na paglalaro sa Asian Powerlifting Championships sa Queen Elizabeth Stadium at World Junior & Sub-Junior Championships sa Praque, Czech Republic.
Si Jessa Mae Tabuan ang isa pang record holder ng koponan sa Girls’ Developmental sa nabuhat na 38kg sa 35kg class.
Ang nakababatang kapatid ni Jessa na si Jasmin at ang magkapatid na sina Jose Dayao III at Cirilo Dayao III ay nakakuha rin ng ginto para sa Cyber team na may dalawang pilak at ganito ring dami ng bronze medals.
Lalabas na 14 bagong records ang naitala sa kompetisyon at apat rito ay mula sa mga lifters ng New Era University.
Ang mga ito ay sina Mia Marie Tapanan Blance Barrun, Renz Yorickk Sibul at Adlan Castaneda.
Sina Kathleen Chiang ng MNL Powerlifting, Nicole Go at Brandon Cueto ng UP Powerlifting, Renato Dio at Jimbo Bautista ng Bozanian at sina Vlademeer Sorezo, Hansel Cotek at Raymond Debuque ng Zest Power Gym ang kumumpleto sa mga gumawa ng bagong marka. (AT)