MANILA, Philippines - Matapos mapagkampeon ang National University Lady Bulldogs sa Shakey’s V-League Collegiate Conference ay naniniwala si coach Roger Gorayeb na hinog na ang kanyang mga bataan para manalo na rin sa UAAP women’s volleyball.
Inamin ni Gorayeb na isa sa kanyang pangarap ay ang magkampeon sa UAAP at nakikita niya na palaban ang hawak na koponan dahil sa nakuhang karanasan sa V-League.
“Maliwanag naman sa lahat na sa UAAP ay wala na sina Dindin (Manabat) at Rubie (De Leon). Ma-laki naman ang improvement nila at ang mga gusto kong makita sa kanila ngayon ay nagagawa na nila,” wika ni Gorayeb.
Isa sa hinangaan ng beteranong mentor ay ang galing sa pagdepensa ng mga bataan dahil nagawa na nilang makuha ang malalakas na bola ga-ling kay two-time UAAP MVP Alyssa Valdez.
Sina Jaja Santiago, Jorella Singh at Aiko Urdas ay nasa koponan pa rin pero isa sa mga player na nakita ni Gorayeb na malaki ang improvement ay si Myla Pablo na siya ring kinilala bilang MVP ng liga.
“Ang maganda kay Myla, nakikinig siya. Sabi ko sa kanya na sundin lang niya ako at siya ang magiging MVP kapag nanalo kami sa Game Three,” sabi pa ni Gorayeb.
Si Pablo ay mayroong 15 puntos at pitong digs para gabayan ang Lady Bulldogs sa 25-21, 26-24, 25-19 straight sets panalo sa do-or-die game laban sa Ateneo Lady Eagles.
Maliban kay Pablo, na-impress din siya sa rookie setter na si Rica Diolan na siya niyang ginamit sa elimination round.
“Magaling siya at nakikinig. Pinaglaro ko siya at hinayaang mag-struggle sa unang mga laro para matuto. Pero sa semis ay kinuha ko si Rubie dahil kailangan ng maturity sa setter. Pinapanood ko si Rica sa ginagawa ni Rubie at pag-aralan ang decision making dahil ito ang mahalaga sa setter,” paliwanag pa nito.
Sa susunod na taon pa lalarga ang UAAP volleyball at mahaba pang panahon ito para tunay na mapaghandaan nila ang kompetisyon.
Si Pablo mismo ay nagsabi ng kanyang ka-handaan na pangunahan ang koponan.