MANILA, Philippines – Lalo pang tumalim ang pangil ng National University Lady Bulldogs nang durugin ang Ateneo Lady Eagles sa Game Three ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference finals gamit ang 25-21, 26-24, 25-19 straight sets panalo sa The Arena sa San Juan City.
Lumutang ang galing ng mga beteranang sina Myla Pablo, Dindin Manabat at Jaja Santiago pero malaki rin ang itinulong ng mahusay na paglalaro ni Jorelle Singh upang ang inakalang mahigpitang labanan ay nauwi sa madaling panalo ng Lady Bulldogs at makumpleto ang pagbangon sa pagkatalo sa Game One sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Pablo ay mayroong 15 puntos mula sa 13 kills at tig-isang blocks at aces bukod pa sa 7 digs habang sina Manabat at Santiago ay mayroong 11 at 10 puntos. Si Manabat ay mayroong dalawang blocks at ang 6’4” na si Santiago ay may 2 aces.
Tumapos si Singh taglay ang 10 puntos at kalahati rito ay ginawa sa first set na nadomina ng Lady Bulldogs para agad na magkaroon ng kumpiyansa sa ikaw-o-ako na tunggalian.
“Ipinagdiinan ko lang sa kanila na itong isang laro na ito ay ilaan na para sa kanilang mga sarili. Nagawa na nilang bigyan ng karangalan ang paaralan at kanilang mga pamilya at ito ay ilaan nila para sa kanila at sa kanilang samahan,” wika ni NU coach Roger Gorayeb.
Sinikap ng Lady Eagles na bigyan ng magandang laban ang Lady Bulldogs pero tunay na handa ang huli sa anumang hamon.
Sa second set ay namuro pa ang Ateneo na makatabla nang kunin ang set point sa ace ni Bea De Leon, 24-23. Pero hindi pumayag ang NU at nagpakawala ng running kill si Manabat bago binutata ni Santiago si Jhoanna Maraquinot. Natapos ang set nang napalakas ang atake ni Maraquinot.
Dahil sa ipinakitang galing ni Pablo ay siya ang ginawaran ng Finals MVP at agad na yumakap ang 22-anyos Marketing student kay Gorayeb.
“Si coach kasi ang tumatayong tatay ko sa loob ng court at nag-thank you lang ako sa kanya dahil lagi niyang sinasabi sa akin na makinig lang ako sa kanya at magkaka-award ako. Nag-thank you din siya sa akin dahil isa daw ako sa inaasahan niya dahil beterana ako,” wika ni Pablo.
Nanguna naman para sa Ateneo ang kanilang pambato na si Alyssa Valdez sa kanyang 14 puntos mula sa 11 kills at tatlong aces. (AT)