MANILA, Philippines - Idedepensa ni Donnie “Ahas” Nietes (36-4, 21 KOs), ang longest reigning Filipino world champion ang kanyang WBO World Jr. Flyweight crown laban kay Juan “Pinky” Alejo of Mexico (21-3, 13KOs) sa inaabangang Philippines vs the World sa StubHub Center sa October 17 sa Carson, California na inaasahang punung-puno ng aksiyon.
Masusubukan naman si “Prince” Albert Pa-gara (24-0, 17KOs), ang undefeated IBF Inter-Continental Super Bantamweight Champion kay Nicaraguan knockout artist William ‘Chirizo’ Gonzalez (25-5, 23KOs) para sa WBO International Jr. Featherweight Championship.
Ipagtatanggol din ni Mark “Magnifico” Magsayo (11-0, 9KOs) ang kanyang IBF Youth Featherweight crown laban sa isa ring undefeated na si Mexican Yardley Suarez (13-0, 8KOs).
Haharap din ang kapatid ni Albert na si Jason “El Niño” Pagara (36-2, 22KOs) kontra sa kababayan ni Gonzalez na si Santos ‘El Toro’ Benavides (25-7-2, 19KOs).
Ang mga Filipino boxers ay nagsanay kay Edito Villamor sa sikat na Wild Card Gym ni Freddie Roach sa Los Angeles.
Para ihatid ang “Pinoy Pride” sa buong mundo, nagtulung-tulong ang ALA International, ABS-CBN Sports + Action at ABS-CBN The Filipino Channel (TFC), isang global brand na nagbibigay ng premium at on demand channel na nagpapalabas ng mga Filipino shows sa multiple platforms.