MANILA, Philippines - Inangkin ni AJ Lim ang kanyang kauna-unahang titulo matapos talunin si top seed at 2014 champion PJ Tierro, 6-3, 7-6 (5), sa men’s division ng 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event kahapon sa PCA Plaza Dilao claycourt sa Paco, Manila.
Ang 16-anyos ring si Lim ang naging pinakabatang kampeon ng event matapos si Manny Tolentino noong 1982 na mas matanda lamang ng ilang buwan sa batang world campaigner.
Ito ang ikaapat na titulo ni Lim ngayong taon matapos maghari sa India ITF Junior 1 at sa Delhi ITF Juniors noong Enero at sa China Junior 14 sa Nanjing noong Agosto.
Kabilang sa mga tinalo ni Lim, tumayong No. 4 seed, bago gulatin si Tierro ay sina Australian doubles champion at Pepperdine standout Francis Casey Alcantara, 7-6 (5), 3-6, 6-3, sa quarters at si dating eight-time champion at veteran Davis Cupper Johnny Arcilla, 7-5, 4-6, 6-1, sa semis.
Sina Lim at Tierro ay nakakuha ng wildcard berth para sa main draw sa second leg ng $15,000 Philippine International Tennis Federation Futures tournament na nakatakda sa susunod na buwan.
Tinalo naman ni top seed Clarice Patrimonio si Maia Balce, 6-4, 6-3, para kunin ang korona matapos ang mga runner-up finishes noong 2011 at 2013 sa annual tournament.