MANILA, Philippines – Dinomina ni Christine Patrimonio si Lenelyn Milo, 6-0, 6-1 para umusad sa quarterfinals at palakasin ang kanyang tsansang makamit ang una niyang korona sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event kahapon sa PCA’s Plaza Dilao clay courts sa Paco, Manila.
Makakatapat ng 23-anyos na si Patrimonio sa quarterfinals si second seed Marinel Rudas na sinibak si Reisha Nillasca, 6-0, 6-0.
“I hope I can win it this year,” sabi ni Patrimonio, natalo sa finals ng torneo noong 2010 at 2011.
Umabante din sa quarterfinals ang kanyang nakakabatang kapatid na si top seed Clarice nang kunin ang 6-0, 6-2 panalo laban kay qualifier Crizzabelle Paulino.
Makakaharap niya si Rafaella Villanueva, nagpatalsik kay qualifier Kryshana Hitosis, 6-1, 6-2.
Ang iba pang nanalo ay sina Edilyn Balanga, tinalo si Sally Mae Siso, 6-1, 6-1; Shaira Hope Rivera, bumigo kay Frances Angelica Santiago, 6-2, 6-4; Hannah Espinosa, sinibak si Vitaliano, 6-0, 6-0; at Maia Balce, kinuha ang 6-0, 6-0 panalo kay Krizelle Sampaton.
Sa men’s play, dinaig ni top seed PJ Tierro si Neil Tangalin, 6-1, 6-0 habang pinatumba ni Johnny Arcilla si Arthur Craig Pantino, 6-2, 6-1 at tinalo ni Ene-bert Anasta si Fil-Spanish Diego Dalisay, 6-3, 6-2 para makapasok sa quarters.
Naungusan naman ni Francis Casey Alcantara si Roel Capangpangan, 6-4, 6-3 para itakda ang pakikipagharap kay AJ Lim na nanalo kay Argil Lance Canizares, 6-0, 6-1.
Umusad din si Rolando Ruel, Jr., matapos igupo si Alberto Villamor, 6-4, 6-1.
Lalabanan naman ni Tierro ang mananalo kina Stefan Suarez at Mark Anthony Alcoseba habang haharapin ni Anasta ang mananalo kina Rolando Ruel, Jr. at Alberto Villamor.
Sunod namang kalaban ni Arcilla ang mananalo kina Ronard Joven at Fritz Verdad.
Sina Tierro, Anasta at Arcilla ay nakasiguro na ng automatic spots sa qualifying round ng 2015 Manila International Tennis Federation (ITF) Men’s Future Leg 2 na bubuksan sa Oct. 2.
Ang top two finalists sa mga kalalakihan ay mabibigyan ng outright slots sa main draw ng ITF event.