Bulldogs, Lady Archers tig-2 panalo na sa badminton

MANILA, Philippines – Nagparamdam agad ang nagdedepensang kampeon sa kalalakihan na National University ng kahandaan na mapanatiling suot ang titulo  sa 78th UAAP badminton nang buksan ang kampanya bitbit ang da-lawang dikit na panalo nitong Sabado at Linggo.

Unang nilapa ng Bulldogs ang karibal na Ateneo Eagles, 4-1 noong Sabado bago kinagat naman ang UST Tigers, 4-1 kamakalawa.

Nakasalo sa liderato ang pumangalawa noong nakaraang taon na La Salle Archers na pinana ang UP Maroons at Adamson Falcons sa magkatulad na 4-1 iskor.

Bumangon ang Eagles sa pagkakadapa sa unang laro sa 5-0 tagumpay sa UE Warriors habang ang Maroons ay may 5-0 panalo rin sa FEU Tamaraws.

Magkasalo ang Ateneo, UP, UST at FEU sa 1-1 habang ang UE at Adamson ay may 0-2 karta.

Abante rin ang women’s champion La Salle Lady Archers nang tudlain ang Ateneo Lady Eagles, 4-1 at National University Lady Bulldogs, 4-1.

Hindi rin natalo ang UP Lady Maroons sa dala-wang laro kontra sa FEU, 4-1, at UST, 5-0 para makasalo sa liderato.

Show comments