MANILA, Philippines – Nais ni Kiefer Ravena na magkaroon ng magandang pamamaalam sa UAAP.
Ang kamador ng Ateneo Eagles ang siyang nagdadala sa laban ng koponan para makasalo sa UST Tigers at FEU Tamaraws sa liderato sa 3-1 karta.
Nakabangon na ang Eagles mula sa pagkakadurog sa FEU sa unang laro nang maipanalo ang huling tatlong laban at ang huling dalawa ay kontra sa National University Bulldogs at UE Warriors sa nagdaang linggo.
“We know it was too early to be down. So we took it as a challenge,” ani Ravena na kinilala bilang ACCEL Quantum/3XVI-UAAP Press Corps Player of the Week.
Sa 74-70 double overtime panalo sa Bulldogs, si Ravena ay naghtid ng 21 puntos at siya ay bumanat ng dalawang matitinding triples para maitabla ang iskor sa regulation, 57-57 at sa unang overtime, 62-62.
Laban sa Warriors na kanilang tinalo, 77-72 si Ravena ay kinapos lamang ng tig-isang rebound at assists para sana sa kanyang kauna-una-hang triple-double sa tinapos na 15 puntos at tig-9 assists at rebounds.
“I expect all games to be tough this year and we could have not won our last games without Kiefer,” papuri ni Ateneo coach Bo Perasol.
May 21.3 puntos, 6.3 rebounds, 5 assists at 2 steals average si Ravena para talunin sa lingguhang citation si UE rookie Edison Batiller at FEU forward Raymar Jose. (AT)