May puwang ang Philippine sports sa tambalang Poe-Escudero

MANILA, Philippines - Hindi tulad sa kasalukuyang administrasyon, maaaring magkaroon ng puwang ang Philippine sports kung sakaling palarin sina Grace Poe at Francis “Chiz” Escudero  sa gaganaping 2016 pambansang halalan sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

Sa pananalita ni Poe sa UP Bahay ng Alumni noong Miyerkules, tinuran niya na ang palakasan tulad ng mga nasa sektor ng kultura, visual artists writers at performers, ay nagbibigay palagi ng karangalan pero walang isinusukli ang kasalukuyang administrasyon sa kanilang mga paghihirap.

“Sa larangan ng sining at palakasan, dapat malaki rin ang suporta ng ating pamahalaan. Kahit na binibigyan nila tayo ng karangalan, ano ang ating isinusukli? ” wika ni Poe. “Sa palakasan naman, ang ating mga atleta ay kawawa din. Siguro naman hindi natin dapat isuko ang pangarap na magkaroon tayo ng ginto sa Olympics.”

Hinikayat naman ni Escudero noong nakaraang linggo ang Philippine Sports Commission (PSC) na bigyan ng nararapat na suporta ang mga national sports associations na may magandang programa tungo sa asam ng bansa na makamit ang mailap na Olympic gold medal.

“At the very least, go-vernment should be at the forefront of this campaign and reward NSAs (national sports associations) which qualify their athletes in the Olympics through more financial support from the PSC,” ani Escudero. “This will give more opportunities to the NSAs to expose their athletes to more international competitions and training.”

Sa talumpati naman ni Escudero kahapon sa Club Filipino para pormal  na ihayag ang kanyang kandidatura, inaasahang makakakuha ng pantay na atensiyon ang sports.

“Naniniwala po ako si Senator Grace Poe o “GP” ay magtatatag ng isang “GP” din o Gobyernong May Puso,” ani Escudero. “Gobyernong may Puso para tiyakin na sa pag-unlad ng bayan at bansa natin ay walang maiiwanan at walang iiwanan.”

Dahil sa kakulangan ng suporta ng pamahalaan ay patuloy ang pagsadsad ng bansa kung medal tally ang pag-uusapan sa 2011, 2013 at 2015 SEA Games bukod pa sa 2014 Incheon Asian Games at sa 2012 London Olympics.

Show comments