Baby Dalupan trophy igagawad kay Austria

MANILA, Philippines – Dalawa sa tatlong conference titles ang sinikwat ng San Miguel sa naka­ra­ang season.

Sapat na ito para ibigay kay Leo Austria ang 2015 SCBC-8 Entertainment Cor­poration-Coach of the Year sa pagdaraos ng PBA Press Corps (PBAPC) ng Annual Awards Night sa Miyerkules sa Century Park Hotel.

Sa pag-angkin sa koro­na ng Philippine Cup ay nilusutan ng San Miguel ang Alaska sa Game 7 ka­sunod ang kanilang pag­kakasibak sa playoffs ng sumunod na Commissioner’s Cup.

Bumangon naman ang Beermen para paghari­an ang Governors’ Cup ma­tapos walisin ang Aces, 4-0, sa kanilang serye.

Igagawad sa dating Roo­­kie of the Year (1985) ang Virgilio ‘Baby’ Dalu­pan Coach of the Year Tro­phy na ipinangalan sa legendary Crispa Redmanizers mentor.

Nagsimula ang coa­ching career ni Austria sa PBA nang palitan si John Mo­ran sa Shell kasunod ang paggiya sa Welcoat Paints (ngayon ay Rain or Shine) noong 2006.

Umalis ang 57-anyos na si Austria sa pro league makaraan ang dalawang sea­­sons para tulungan ang Adamson Universi­ty Falcons sa kampanya sa UAAP ka­su­nod ang pag­giya sa SMBeermen sa ASEAN Basketball League (ABL) kung saan si­la naghari no­ong 2013.

Show comments