MEXICO CITY – Nagposte si NBA veteran Luis Scola ng 18 points at 10 rebounds para ihatid ang Argentina sa 78-70 panalo laban sa Mexico sa semifinals ng FIBA Americas Championship at angkinin ang isang tiket sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Nagdagdag si Facundo Campazzo ng 15 points para sa Argentinians na nakabangon mula sa 11-point deficit sa Mexicans.
Ito ang ikaapat na sunod na pagkakataon na maglalaro ang Argentina sa Olympics at ipaparada ang natitirang dalawang miyembro ng koponang kumuha ng gold medal noong 2004 at bronze medal noong 2008.
Umiskor naman si Jorge Gutierrez ng 17 points sa panig ng Mexico.
Samantala, nagsalpak si Gregory Vargas ng isang free throw sa natitirang 0.3 segundo para itakas ang Venezuela laban sa Canada, 79-78, at makapasok sa 2016 Rio Olympics.
Tumipa si Windi Graterol ng 20 points, habang may 19 si Heissler Guillent para sa unang paglalaro ng Venezuela sa Olympics matapos noong 1992 sa Barcelona.
Nagtabla sa 78-78, nakuha ni Vargas ang offensive rebound at na-foul ni Aaron Doornekamp bago tumunog ang final buzzer.
Naipasok ni Vargas ang una niyang free throw at sadyang iminintis ang ikalawa.
Nagtala si Kelly Olynyk ng 34 points at 13 rebounds para sa Canadian team na huling kumampanya sa Olympics noong 2000.