MANILA, Philippines - Iiwas ang Ateneo Eagles at National University Bulldogs na makita ang sarili na nasa huling puwesto sa 78th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kalaro ng Eagles ang Adamdon Falcons sa ganap na ika-2 ng hapon habang ang nagdedepensang kampeong Bulldogs ay haharap sa UE Warriors dakong alas-4.
Ang apat na koponang nabanggit ay lumuhod sa kanilang unang asignatura kaya’t gagawin ng mga ito ang manalo upang masaluhan ang La Salle Archers at FEU Tamaraws sa 1-1 baraha.
Durog ang Eagles sa Tamaraws, 64-88 dahil tanging sina Kiefer Ravena at Gwayne Capacio ang nasa kondisyon sa ibinigay na 25 at 14 puntos.
Tanggap ni Ateneo coach Bo Perasol ang kabiguan dahil ang FEU ay isa sa team-to-beat sa liga pero nananalig siya na ibang laro ang matutunghayan sa kanyang mga alipores kontra sa Falcons na kinapos laban sa UST Tigers, 64-70.
“Kailangang magtulung-tulong ang lahat kung gusto naming maging contender,” wika ni Perasol na umaasang tataas pa ang laro ng ibang beterano na sina Von Pessumal, Alfonzo Gotladera at Arvin Tolentino na nagsanib sa 17 puntos sa 7-of-20 shooting.
Dumapa ang NU sa La Salle, 63-67 at ininda ng koponan ang mahinang panimula bagay na tiyak na itinama ni coach Eric Altamirano laban sa Warriors na kinapos din sa UP Maroons, 55-62.
Ang mga guards na sina Gelo Alolino at Rodolfo Alejandro ang muling aasahan sa opensa matapos magsanib sa 31 puntos pero dapat na mas maging dominante si import Alfred Aroga para hindi malaglag ang Bulldogs sa 0-2 panimula.
Tumapos lamang ang 6’8” na si Aroga taglay ang 9 puntos at 10 rebounds at hindi niya natapos ang laro nang ma-foul out sa labanan.