MANILA, Philippines – Ikatlong sunod na panalo para masolo ang pa-ngatlong puwesto ang pagsisikapang makuha ng 2014 runner-up na Arellano University sa pagsagupa sa Lyceum ngayong alas-4 ng hapon sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Sa kanilang 84-77 overtime win laban sa Perpetual Altas noong nakaraang Biyernes ay itinala ni guard Jio Jalalon ang kanyang ikalawang triple-double sa tinapos na 32 points, 15 assists at 10 rebounds.
“If Jio can play like that every game and our role players play their roles, we’ll be okay,” wika ni Arellano coach Jerry Codiñera kay Jalalon na nahirang na Player of the Week kamakalawa.
Kumpiyansa si Codiñera na maduduplika ng Chiefs ang 80-78 panalo kontra sa Pirates sa first round noong Hulyo 3.
Dahil sa hindi pagla-laro ni Joseph Gabayni mula sa school suspension ay natalo ang Lyceum ni mentor Topex Robinson sa Perpetual at Letran.
Sa pagbabalik ni Ga-bayni sa Pirates ay muli niyang makakatuwang si Cameroonian Jean Victor Nguidjol.
Sa alas-2 ng hapon ay magtatapat naman ang Jose Rizal Heavy Bombers at ang Mapua Cardinals na parehong gustong makalapit sa Chiefs at Altas.
Puntirya ng Cardinals ang kanilang pangatlong sunod na ratsada, ang huli ay nang kunin ang 87-78 tagumpay laban sa San Sebastian Stags noong nakaraang linggo, sa pagsagupa sa Heavy Bombers.