Pacquiao balak isama sa ‘The Expendables 4’

MANILA, Philippines - Naging malamya ang pagtanggap ng mga fans sa pelikulang ‘The Expendables 3’.

Kaya naman gusto ng actor/producer na si Sylvester Stallone na hikayatin si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao na sumama sa gaga­wing 'The Expendables 4'.

Isa lamang ang 36-anyos na si ‘Pacman’ sa mga na­kausap ni Stallone para sa bagong grupo ng ‘The Expendables’.

Ilan pa sa mga ito ay sina wrestling superstar Hulk Hogan at Bollywood actor na si Salman Khan.

Sa kanyang pag-eensayo sa Wild Card Boxing Gym ni chief trainer Freddie Roach para sa laban kay Floyd Mayweather, Jr. ay dinalaw si Pacquiao ni Stallone kung saan nagpalitrato ang Hollywood superstar.

Sinabi ni Stallone na kinausap niya ang 'Fighting Congressman' para makasama sa 'The Expendables 4'.

Wala pang opisyal na pahayag si Pacquiao kung ta­tanggapin niya ang alok ni Stallone.

Inilunsad ang 'The Expendables' noong 2010 na pi­nagbidahan nina Stallone, Schwarzenegger, Jason Sta­tham, Terry Crews at Mickey Rourke.

Ang ‘The Expendables 3’ ay kumita lamang ng ka­bu­uang $206 milyon  sa kabila ng pagtatampok kina UFC champion Ronda Rousey, Wesley Snipes, Mel Gib­son at Antonio Banderas.

Show comments