MANILA, Philippines - Ang tanghaling No. 1 team sa Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals ang mangyayari ngayon sa pagtutuos ng Ateneo Blue Eagles at NU Bulldogs sa The Arena sa San Juan City.
Parehong may 6-0 baraha ang Blue Eagles at Bulldogs na nagtuos para sa UAAP title noong nakaraang taon kaya’t makakatiyak na maaksyon pa rin ang salpukan ng dalawang semifinalists.
Magsisimula ang aksyon sa alas-3 ng hapon matapos ang ‘no-bearing’ game sa hanay ng FEU Tamaraws at St. Benilde Blazers sa ala-1.
Ang Tamaraws, Blazers at UP Maroons ay napatalsik na sa liga, habang pag-aagawan ng La Salle Green Archers, Emilio Aguinaldo College Generals at NCBA Wild Cats ang huling dalawang upuan sa Final Four.
Nasa unang puwesto ang Ateneo bilang Best Spikers, Best Servers at Best Receivers kaya’t kailangang magsikap ang NU para makuha ang No. 1 spot.
Ang Final Four ay crossover at ang tatanghaling No. 1 ang makakatapat ng No. 4 at ang No. 2 at No. 3 ang magkikita sa ikalawang semis spot.