MANILA, Philippines - Pagtatangkaan ng nagdedepensang kampeon FEU Lady Tamaraws na selyuhan na ang upuan sa semifinals habang palalakasin pa ng Arellano Lady Chief ang hangaring huwag mamaalam agad sa pagpapatuloy ngayon ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference quarterfinals sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Lady Tamaraws ang mainit na Ateneo Lady Eagles sa ganap na ika-12:45 ng tanghali bago sundan ng tapatan ng Lady Chiefs at ng La Salle-Dasmariñas Lady Patriots.
Nakasalo ang FEU sa pahingang UST Tigresses at National University Lady Bulldogs sa pangalawang puwesto sa 4-1 karta habang ang Arellano ay nasa ikalimang puwesto sa 2-3 baraha.
Sakaling manalo ang Lady Tamaraws ay ligtas na sila sa anumang komplikasyon sa asam na upuan sa Final Four dahil hanggang apat lamang ang sagad na panalo na makukuha ng Arellano kung maipapanalo nila ang huling dalawang laro.
Playoff ang mangyayari sa mga koponan magkakatabla sa ikaapat at huling puwesto sa ligang inor-ganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Talsik na ang Lady Patriots sa 1-4 karta pero hindi puwedeng magkumpiyansa ang Lady Chiefs dahil maglalaro ng walang pressure ang katunggali at maaaring makatulong para lumabas ang pinakamabangis na laro sa liga.
Paborito ang Lady Eagles matapos ang magarang ipinakita sa mga naunang laro sa pagdadala ng mahusay na si Alyssa Valdez.
Pero hindi maisasantabi ang hamon ng FEU na tapusin ang winning streak ng kala-ban lalo pa’t gusto nilang ipakita sa lahat ang kakayahan na maidepensa ang titulong napanalunan noong nakaraang taon laban sa mas malalaki at mas paboritong Lady Bulldogs.
Sina Bernadeth Pons, Remy Palma, Geneveve Casugod at mga guest players Jovelyn Gonzaga at Honey Royse Tubino ang mga magtutulung-tulong para maipasok ang koponan sa Final Four.