MANILA, Philippines - Patuloy na pinagsaluhan ng Letran Knights at ng five-peat champions na San Beda Red Lions ang liderato sa second round ng 91st NCAA basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bagama’t naisuko ang itinayong 16-point lead sa first half ay kinuha pa rin ng Knights ang 86-76 panalo para bawian ang Emilio Aguinaldo College Generals na tumalo sa kanila sa first round.
Kumolekta si point guard Mark ‘Ant Man’ Cruz ng 29 points, 4 rebounds at 1 assist para banderahan ang tropa ni coach Aldin Ayo.
Matapos makalapit ang EAC sa halftime, 36-43, ay muling kumamada ang Letran sa third period para ilista ang 55-41 abante sa gitna ng third quarter at itinala ang 80-64 bentahe sa 6:03 minuto ng final canto.
Sinamantala naman ng Red Lions ang hindi paggamit ng St. Benilde Blazers kay 2015 All-Star Most Valuable Player Jonathan Grey para iposte ang 89-63 panalo tampok ang 17 points, 10 rebounds at 7 assists ni Arthur Dela Cruz.
Nagbalik si 6-foot-8 Nigerian import Ola Adeogun mula sa isang one-game suspension para magtala ng 12 points at boards.
Nagdagdag sina Amiel Soberano, Ranbill Tongco at Cameroonian Donald Tankoua ng 12, 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod na naging sandigan ng San Beda para makalayo sa St. Benilde sa third period.
Kumamada naman si, Cameroon import Jean Victor Nguidjol ng 15 points, 17 rebounds at 4 blocks para igiya ang Lyceum Pirates sa 71-67 panalo sa six-time titlists na San Sebastian Stags.
Nagdagdag si Mer Ayaay ng 16 points para sa ikalawang sunod na ratsada ng Pirates.
Sa juniors’ division, binigo ng San Beda Red Cubs ang La Salle-Greenhills, 82-70, para sa matayog nilang 11-0 record, habang pinabagsak ng Lyceum Junior Pirates ang San Sebastian Staglets, 78-49, para ilista ang 7-3 baraha.