MANILA, Philippines - Dapat magpursigi ang mga pambansang atleta na nakapaloob sa IOC Olympic scholarship program sa mga sasalihang malalaking kompetisyon sa labas ng bansa.
Sa isinagawang POC on Air radio program kahapon, sinabi ni POC 1st VP at Chief of Mission ng Rio Games na si Joey Romasanta na ikokonsidera ng International Olympic Committee (IOC) ang mga ipakikita ng mga IOC scholars para sa ibibigay na universality place na dating kilala bilang wildcard entries sa Olympics.
“Titingnan ng IOC ang performance ng lahat ng atleta na nakapaloob sa IOC Solidarity scholarship program at ang mga may magandang ipinakita ay may tsansang maimbitahan na maglaro sa Rio Olympics,” wika ni Romasanta.
Kababalik lamang ni Roma-santa mula sa pagdalo sa Chief of Mission meeting sa Rio de Janeiro, Brazil at malugod niyang tinanggap ang magandang balita na ito dahil sa ngayon ay si Fil-Am Eric Cray sa larangan ng 400m hurdles sa athletics ang pasok na sa Rio para sa Pilipinas.
Mahigit na 100 na iba pang atleta ang magpupursigi na makakuha ng grado sa sasalihang Olympic qualifying events na idaraos mula ngayon hanggang sa Hunyo ng 2016.
“Ang thrust ng POC is to have more athletes qualified at ang ginawa ng IOC ay makakatulong para mangyari ito,” sabi pa ni Romasanta.
Nasa 12 atleta ang ipinasok ng POC sa IOC scholarship program at ang mga ito ay sina Amparo Acuna at Hagen Topacio ng shooting, Irish Magno at Felix Marcial Eumir ng boxing, John Paul Lizardo, Kristopher Robert Uy, Christian dela Cruz at Kirstie Elaine Alora ng taekwondo, Hermie Macaranas ng canoe, Jasmine Alkhaldi ng swimming, Clare Legaspi at Princess Superal ng golf.
Sa mga ito ay may magandang ipinakita sina Acuna at Macaranas sa mga sinalihang kompetisyon sa labas ng bansa.
Naabot na ni Acuna ang minimum qualifying score sa women’s 10m air rifle sa Azerbaijan World Cup habang si Macaranas ay nakatambal ni OJ Fuentes na nalagay sa ika-13th place overall sa 2015 Canoe Sprint World Seniors Championships sa Milan, Italy na isang Olympic qualifying event.
Ang mga Olympic scholars ay tumatanggap ng $500 allowance buwan-buwan bukod sa tulong-pinan-syal mula sa IOC kung sila ay sumasali sa malalaking torneo.