MANILA, Philippines – Ipapadala ng PhilCycling ang pinakamahusay na under-23 team para sumabak sa World Cycling Championship na nakatakda sa Setyembre 20-27 sa Richmond, Virginia.
Sinabi ni PhilCycling chief Abraham “Bambol” Tolentino kahapon na ito ang unang pagkakataon na nag-qualify ang bansa sa World Championship kung saan maaaring makakuha ng qualifying points ang mga Pinoy riders para makapitas ng tiket sa 2016 Rio Olympics.
“It’s like hitting two birds in one stone because this is the first time we’ll be competing in the World Championship while also giving us the opportunity to earn qualifying points to the Rio Olympics,” wika ni Tolentino.
Tanging ang nangunang pitong Asian nations, kabilang ang Pilipinas, ang nag-qualify sa annual race.
“We’re the only country in Southeast Asia who qualified,” wika ni national team coach Chris Allison.
Sinabi ni Allison na ilan sa mga ikukunsidera nilang bumuo sa under-23 team ay sina John Mark Camingao ng Navy, Rustom Lim, Ronald Lomotos at Dominic Perez ng 7-11.
Hihingi si Tolentino ng tulong sa Philippine Sports Commission para tulungan silang gastusan ang pagsabak ng koponan sa World Championship.
“We’re asking for help from the PSC. We hope they help us here because our target really is not just the World Championship, but also the Olympics,” ani Tolentino.