MANILA, Philippines - Ginarantiya ng Philippine Sports Commission (PSC) na kaisa sila sa hangarin ng lahat na magkaroon ng maraming bilang ng pambansang atleta na makakapasok sa 2016 Rio Olympic Games.
Sa pananalita ni PSC chairman Ricardo Garcia sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon ay tiniyak niya na may sapat na pondo ang komisyon para itulong sa mga atletang nais na sumubok sa mga Olympic qualifiers bukod sa kanilang pagsasanay sakaling makapasa sa Rio.
“Maliit lamang ang gastos kung pagsali sa Olympics ang pag-uusapan dahil POC matter iyan. Pero ang magpa-qualify at ang training ng atleta kapag nag-qualify ay malaki ang gastos. Pero hindi problema ang pera,” ani Garcia.
Pangarap ni Garcia ang makakita ng 15 hanggang 20 atletang Pilipino na makapasok sa Rio Games.
Sa ngayon ay may itinatag ang POC na management committee para sipatin ang mga atletang itinutulak ng mga NSAs para sa kanilang qualifying events.
Panawagan lamang ni Garcia ang tiyakin ng mga NSAs na mga tunay na panlaban ang pangangalanan at hindi ang mga national pool na walang pag-asa at magsasayang lamang ng pera ng gobyerno.
“I would rather spend P10 million on one athlete na may chance sa Rio than spend millions of pesos on athletes na malayo sa standard,” dagdag ni Garcia.
Ang 400m hurdles specialist Fil-Am Eric Cray pa lamang ang nakatiyak na ng puwesto sa Rio pero inaasahang madaragdagan pa ito lalo’t marami pang atleta ang susubok.
Kasama rito ang two-time Olympian at flag bearer ng 2012 London Games na si Hidilyn Diaz ng weightlifting at Asian Games gold medalist sa BMX na si Daniel Caluag.
Si Caluag ay magsisimulang kumuha ng Olympic points sa mga karerang gagawin mula Agosto hanggang Oktubre.
Ang iba pang inaasahang papasok sa 2016 Games ay ang mga pambato sa boxing, taekwondo, shooting at archery na pawang may mga naisali sa mga nakalipas na Olympics. (AT)