MANILA, Philippines - Dating suot ni Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria ang World Boxing Association at World Boxing Organization flyweight titles at nagkampeon sa light flyweight division ng World Boxing Council.
Sapat na ito para nerbiyusin ang kampo ni Nicaraguan world flyweight king Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez kay Viloria.
“It’s a difficult fight,” sabi ni Arnulfo Obando, ang trainer ni Gonzalez. “Although a lot of people are talking about the age of Viloria, we cannot forget that he is a dangerous man who is experienced, hits hard, has excellent combinations.”
Hahamunin ng 34-anyos na si Viloria ang 28-anyos na si Gonzalez para sa hawak nitong WBC flyweight crown sa Oktubre 17 sa Madison Square Garden sa New York City.
Pipilitin ni Viloria (36-4-0, 22 KOs) na maagaw kay Gonzalez (43-0-0, 37 KOs) ang titulo nito para muling hiranging world boxing champion.
“He will be coming to fight. I do not think Viloria will run because he is under pressure to leave a good image to HBO,” dagdag ni Obando sa Fil-American fighter.
Ang Viloria-Gonzalez champion-ship fight ay nasa undercard ng laban nina Gennady Golovkin at David Lemiuex na isasaere ng HBO sports via pay-per-view.
Matapos maagaw ang kanyang mga suot na WBA at WBO flyweight belts ni Juan Estrada noong Abril ng 2013 ay apat na sunod na panalo ang itinala ni Viloria na kinatampukan ng tatlong knockout.
Ang huling pinatumba ni Viloria ay si dating world title challenger Omar Soto sa first round noong Hul-yo 25 sa Hollywood, California. (RC)