MANILA, Philippines – Ang makuha ang Top Two seat matapos ang first round ng elimination ang hangarin ng five-peat champions na San Beda Red Lions.
At kung mananalo laban sa Arellano Chiefs ay makakamit nila ito.
Puntirya ang kanilang pang-anim na sunod na panalo, sasagupain ng Red Lions ang Chiefs sa rematch ng 2014 Finals ngayong alas-4 ng hapon sa 91st NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
“Our goal is to be in the top two after the first round and we’re close to achieving that,” wika ni San Beda rookie coach Jamike Jarin na nangga-ling sa 92-81 panalo kontra sa six-time titlist na San Sebastian Stags noong nakaraang Huwebes.
Sa nasabing panalo ng Mendiola-based cagers ay humakot si 6-foot-8 Nigerian import Ola Adeo-gun ng 28 points at 14 rebounds.
Ito ang pang-limang dikit na arangkada ng Red Lions para sa kanilang 7-1 record sa ilalim ng nangungunang Letran Knights (8-1).
Umiskor naman ang Arellano ni mentor Jerry Codiñera ng 85-73 tagumpay laban sa St. Benilde noong nakaraang Biyernes para makatabla ang Jose Rizal sa ikaapat na puwesto sa magkatulad nilang 5-3 baraha.
Sa alas-2 ng hapon naman magtatapat ang Perpetual Altas at ang Heavy Bombers at target na masundan ang kanilang mga huling panalo.
Kumamada si 6’11 import Prince Eze ng 17 points habang nagdagdag ng 16 si Antonio Coronel para sa 68-55 paggiba ng Perpetual sa Emilio Aguinaldo College noong nakaraang linggo.
Hangad ng Altas na patuloy na solohin ang pangatlong silya papasok sa second round.
Bumangon naman ang Jose Rizal mula sa 18-point deficit sa huling apat na minuto ng fourth quarter para resbakan ang Mapua, 90-87 sa likod ng 32 points ni Tey Teodoro.