MANILA, Philippines – Walang naging problema si jockey Pat Dilema sa pagdiskarte sa Sky Hook nang nagbanderang tapos ito tungo sa pagsungkit ng kampeonato sa PCSO National Grand Derby kahapon sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa isang milyang distansya (1,600m) ginawa ang tampok na karera na nilahukan lamang ng apat na mananakbo at walang hirap ang dominasyon na naitala ng Sky Hook para iuwi ang P800,000.00 unang premyo na ibinigay ng Philippine Cha-rity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ang ikalawang panalo sa huling tatlong takbo ng tambalan at naipagpag ni Dilema ang hamong sinikap na ipagkaloob ng kabayong Driven sa pagdiskarte ni Kevin Abobo.
Ang nasabing kabayo na dati ring dinidiskartehan ni Dilema ay dumikit sa huling kurbada at tila kaya nitong silatin ang paboritong katunggali.
Pero ginamit ni Dilema ang latigo na nagpabilis uli sa Sky Hook tungo sa halos dalawang dipang panalo.
Ang tatlong taong gulang na colt ay may la-hing Hook And Ladder at Amber Shore na pag-aari ni Joseph Dyhengco.
Pumangatlo ang Princess Meili sa pagdadala ni Fernando Raquel Jr habang ang Princess Ella na sakay ni Val Dilema, ang pumang-apat.
Nasa P1.5 milyon ang premyo na pinaglabanan sa isa sa dalawang stakes races na isinagawa sa pagtatapos ng dalawang araw na pista sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) at ang pumangalawa hanggang pumang-apat ay kumabig ng P350,000.00, P200,000 at P150,000.00
Naunang pinaglabanan ay ang Philracom “George Y. Stribling Memorial Stakes Race sa 1,600m at nagkampeon ang paborito ring Super Spicy sa pagdadala ni Jonathan Hernandez para kay horse owner Hermi-nio Esguerra.
Nasa P450,000.00 ang kabuuang premyo na pinaglabanan at nakuha ng Super Spicy ang P270,000.00 bukod pa sa P20,000.00 dagdag na pabuya para sa winning horse owner.
Pumangalawa ang Stargazer sa pagdiskarte ni Jordan Cordova para sa kuwadra ni Dyhengco. (AT)