MANILA, Philippines – Bukas si NBA superstar Kobe Bryant ng Los Angeles Lakers sa paglalaro para sa Team USA sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ito ang sinabi ni USA Basketball chairman Jerry Colangelo hinggil sa interes ni Bryant na sumabak sa 2016 Rio Olympics.
Sa report ng ESPNLosAngeles.com, sinabi ni Colangelo na nakausap niya si Bryant.
Ayon kay Colangelo, ang paglalaro ni Bryant sa 2016 Olympics ang kanyang magiging ‘final hurrah’ bago siya tuluyang magretiro sa basketball.
Wala pang opisyal na pahayag si Bryant tungkol sa pagnanais niyang maglaro sa 2016 Olympics at tungkol sa posibleng huling kampanya niya sa darating na 2015-2016 NBA season.
“He also mentioned to me in a private conversation that if he had his druthers, he would love to ride off into the sunset playing one more time and winning the gold medal,” wika ni Colangelo sa napag-usapan nila ni Bryant.
“And that would be the end,” dagdag pa nito.
Sa ipinatawag ni Colangelo na minicamp ay hindi nakasama si Bryant.
Sa kabila nito, kuminang pa rin ang minicamp dahil sa paglalaro nina LeBron James, Kevin Durant, Carmelo Anthony, James Harden at Russell Westbrook.
“But he was very quick to say, ‘But, I don’t want a spot. I need to earn the spot. I need to be capable of playing at that level to be considered.’ And I said, ‘You got that. That’s always there for you, Kobe,’” ani Colangelo sa Lakers star.
Naging miyembro si Bryant, maglalaro sa kanyang ika-20 season para sa Lakers, ng Team USA na nagwagi ng gintong medalya sa Olympic Games noong 2008 at 2012.