MANILA, Philippines – Tinapos ng La Salle Archers ang kampanya sa elimination round taglay ang apat na sunod na panalo matapos gapiin ang UP Maroons, 25-22, 24-26,15-25, 25-13, 15-13, panalo sa Spikers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 60 attack points ang Archers sa kabuuan ng labanan at ang kill ni Raymark Woo ang nagbigay ng double match point para tuluyang maipakita na nakabangon na sila sa pagkatalo sa Ateneo Eagles sa unang laro.
May 15 attack points si Woo tungo sa 17 puntos habang ang nanguna sa La Salle ay si John Arjay Onia sa kanyang 25 puntos, tampok ang 20 kills.
Nakatulong din ang magandang digging ng La Salle sa pangunguna ng kanilang libero na si Jopet Adrian Movido na may 15 digs bukod sa 11 excellent receptions.
May 10 digs pa si Mike Anthony Frey para itulak ang La Salle sa 42-22 bentahe sa natu-rang departamento.
Dumaan din sa butas ng karayom ang NCBA Wildcats bago naitakas ang 25-22, 25-20, 21-25, 18-25, 16-14 panalo laban sa UE Warriors sa ikalawang laro.
Hindi naman pinalad ang UE na makatikim ng panalo tulad ng nalasap ng Arellano sa Group B.
Ang nangunang apat na koponan sa magkabilang pangkat ay uusad sa quarterfinals na sisimulan sa Lunes. (AT)