MANILA, Philippines – Dalawang koponang may championship tradition ang ginulat ng dehadong Emilio Aguinaldo College para makabangon mula sa 0-5 panimula.
Pipilitin ng Perpetual Altas na makaiwas na maging ikatlong biktima ng Generals kasabay ng patuloy na pagsosolo sa pangatlong puwesto sa 91st NCAA men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Perpe-tual ang EAC sa alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Mapua at Jose Rizal sa alas-2 sa The Arena sa San Juan City.
Umiskor ang Altas ng 76-66 panalo laban sa Arellano Chiefs noong nakaraang Huwebes na tinampukan ng 31 points ni Nigerian import Bright Akhuetie para tapusin ang kanilang dalawang sunod na kabiguan.
“Kapag matalo pa kami, pang-lima na kami. Sabi ko at least nasa top four tayo, kailangan na-ming manalo sa Arellano,” sabi ng 72-anyos na si coach Aric Del Rosario sa kanyang Perpetual na nakahugot rin kay 2014 NCAA MVP Scottie Thompson ng 11 points, 16 rebounds at seven assists.
Ginitla naman ng Generals ni rookie mentor Andy De Guzman ang six-time champions na San Sebastian Stags, 77-71 at ang Letran Knights, 83-69 matapos ang 0-5 panimula.
“Inspired ang EAC ngayon kaya dapat maganda ang ilaro namin,” sabi ni Del Rosario sa Taft-based school na ibabandera si Cameroonian import Hamadou Laminou, humakot ng season-high na 20 points, 24 rebounds at 4 blocks laban sa Letran.
Muli ring aasahan ng Generals si Remy Morada na umiskor ng 12 sa kanyang 18 points sa fourth quarter kontra sa Knights.
Target naman ng Cardinals ang kanilang ikaapat na sunod na arangkada sa pagharap sa Heavy Bombers.
Huling biniktima ng Mapua ay ang St. Benilde Blazers, 76-64 noong nakaraang Huwebes sa kabila ng hindi pag-upo ni coach Atoy Co dahil sa one-game suspension.
“On those three wins, the key was our ability to equal or surpass the ener-gy of the opponent,” sabi ni Cardinals assistant coach Ed Cordero. (RC)