MANILA, Philippines – Nabalik ang magandang kondisyon ng Valkan Lady para pagharian ang Macau Jockey Club Invitational Trophy Race noong Sabado sa bakuran ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si LC Lunar ang dumiskarte uli sa nasabing kabayo at bumandera ang magandang pangangatawan ng kabayo nang hindi naawat sa pangunguna mula nang binuksan ang apartado sa 1,500-m karera.
Ang Haring Araw sa pagdiskarte uli ni Jonathan Hernandez ang siyang napaboran sa tagisang nilahukan ng 11 kabayo ngunit atrasado ang remate nito para pumangatlo lamang sa datingan kasunod ng One Eyed Jane ni Mark Alvarez.
Bago ang panalo ay nanggaling muna sa ikalimang pagtatapos ang Valkan Lady noong Hulyo 29 sa pagdiskarte ni Antonio Alcasid Jr. para maputol ang magkasunod na panalo.
Ngunit sa labanan sa karerang sinahugan ng P50,000 added prize ay naroroon ang tapang ng kabayo at kinuha agad ang liderato.
Nagsikap ang One Eyed Jane na dumikit at sa far turn ay halos isang dipa na lamang ang layo ng Valkan Lady.
Pero bumubuwelo lamang pala ang kabayo at sa rekta ay lalo pang tumulin para makapagtala ng halos apat na dipang agwat na panalo.
Second choice lamang sa bentahan ang Valkan Lady para makapaghatid pa ng P27.00 dibidendo sa win habang ang 5-4 forecast ay nagpasok ng P97.00 premyo.
Nanggulat din ang Alta’s Choice nang nagkampeon sa United Tote Invitational Trophy Race na ginawa sa 1,300m.
Si Rodeo Fernandez ang sumakay sa anim na taong gulang na kabayo sa ikalawang sunod na takbo at nakabawi ito matapos malagay lamang sa ika-11th puwesto noong Hunyo 28.
Ang A Thousand Years ni LF De Jesus ang nagdala ng bandera mula simula ngunit sinukat-sukat lang pala ni Fernandez ang katunggali at sa huling 50-metro ay pinaremate ang Alta’s Choice para mauna sa meta.
Ang Ultimate Survivor ni CS Pare Jr. ang siyang paborito sa walong naglaban pero hindi nakaporma ang tambalan kaya hindi tumimbang sa karera.
Umabot pa sa P32.00 ang ibinigay sa win at ang dehadong kombinasyon na 8-4 ay nagpasok ng P1,067.00 sa forecast.
Ang iba pang nanalo sa unang araw ng pista sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ay ang Siling Pula sa race three, Movie Title sa race four, Yes I Can sa race five, Runaway Champ sa race six, Psst Taxi sa
race seven, Never Cease sa race eight at Director’s Gold sa race 9. (AT)