Mapua, FEU Spikers sa do-or-die game

MANILA, Philippines – Sasalang sa do-or-die game ang Mapua Cardinals at FEU Tamaraws sa pagbaba-lik ng Spikers’ Turf Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Magsisimula ang aksyon sa ganap na alauna ng hapon at ang mananalo ang kukuha sa ikaapat at huling puwesto papasok sa quarterfinals sa Group A.

Magkasalo ang dalawang koponan sa 1-3 baraha at ang mamalasin ay sasamahan ang UE Warriors na mamamaalam na sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.

Paglalabanan naman ng Emilio Aguinaldo College Generals at National University Bulldogs ang liderato sa Group A sa kanilang pagkikita sa ikalawang laro dakong alas-3 habang magkaroon ng panalo sa Group B bago lisanin ang liga ang pag-aagawan ng Arellano Chiefs at La Salle-Dasma Patriots dakong alas-5.

Ang Ateneo Eagles, La Salle Archers, UP Maroons at St. Benilde Blazers ay pasok na sa quarterfinals sa Group B habang ang EAC, NU at NCBA ang umabante na sa Group A.

Parehong may 1-3 karta ang Cardinals at Tamaraws kaya’t tiyak na magpupukpukan ang magkabilang koponan para makuha ang mahalagang panalo.

Mataas ang kumpumpiyansa ng Cardinals dahil galing sila sa pagsungkit sa kanilang unang panalo laban sa Warriors, 25-17, 25-23, 25-23 ngunit dapat na itaas pa ang lebel ng kanilang manlalaro dahil handang bumangon ang Tamaraws mula sa masakit na 23-25, 25-19, 25-22, 21-25, 13-15 pagkatalo sa kamay ng Bulldogs. (AT)

Show comments