EAC Spikers 4-0 na; DLSU pasok sa quarterfinals

MANILA, Philippines - Nakitaan uli ng magandang laro si Ho-ward Mojica para ibigay sa Emilio Aguinaldo College Generals ang ikaapat na sunod na panalo habang nanaig din ang La Salle Green Archers sa kanilang laro para pumasok na sa quarterfinals sa Spikers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa Pasig City.

Ang MVP sa NCAA at nangungunang scorer sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera ay nagtala ng 24 puntos mula sa 15 attacks, 6 aces at 3 blocks tungo sa 25-22, 25-22, 25-23 panalo sa NCBA Wildcats.

May 40 errors ang NCAA champion na Generals pero naisan-tabi nila ito sa pagdodomina sa iba pang aspeto ng laro kasama ang depensa, para mailista ang ikatlong straight sets na panalo sa apat na tagumpay sa Group A.

“Hindi naman namin iniisip na i-sweep ang laro dahil ang goal lang namin ay manalo,” wika ni EAC coach Rodrigo Palmero.

May 15 kills si Mojica habang pito ang ibi-nigay ni Keith Melliza para bigyan ang EAC ng 32-24 kalamangan sa attack points.

Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Wildcats tungo sa 2-2 karta at nangapa uli ang koponan sa opensa dahil ang guest player na si Edwin Tolentino ang nanguna taglay lamang ang siyam na puntos.

Tinudla naman ng Archers ang ikatlong sunod na panalo matapos matalo sa Ateneo Eagles  nang pabagsakin nila ang St. Benilde Blazers, 25-18, 25-19, 17-25, 25-15 sa unang laro.

Sina Raymark Woo at John Arjay Onia ay tumapos taglay ang 16 at 15 puntos para maisantabi ang 20 puntos na ginawa ni Johnvic De Guzman.

Nakatulong pa sa Archers ang 34 errors ng  Benilde para  samahan ang Ateneo sa quarterfinals sa Group B.

Bumaba ang Bla-zers sa 2-2 at kailangan manalo sa huling laro laban sa Eagles para tuluyang umabante sa susunod na round.

 

Show comments