Pacquiao ‘di kailangang magmadali - Koncz

MANILA, Philippines - Maganda ang rehabilitasyon ni Manny Pacquiao sa kanyang inoperahang kanang balikat.

Ngunit hindi nanga-ngahulugan na maaari nang lumaban ang Filipino world eight-division champion bago matapos ang taon.

Sinabi ng Canadian adviser ni Pacquiao na si Michael Koncz na kailangan pang pagalingin nang husto ng 36-anyos na Fighting Congressman ang kanyang kanang balikat bago simulan ang pag-eensayo.

Ayon kay Koncz, maaaring sa Pebrero o Marso ng susunod na taon pa lumaban si Pacquiao.

Nauna nang nagpadala si Koncz ng video ni Pacquiao kay Bob Arum ng Top Rank Promotions kung saan ipinakita ang ginagawang rehabilitas-yon sa kanang balikat ng Filipino boxing superstar.

Nagulat ang mga therapists sa magandang kalagayan ng balikat ni Pacquiao matapos operahan noong Mayo 7.

Dahil sa sobrang katuwaan ay sinabi ni Arum na bago matapos ang kasalukuyang taon ay posibleng muling umakyat ng boxing ring si ‘Pacman’.

Para makasiguro, magpapadala si Arum ng doktor dito sa Pinas para tumingin kay Pacquiao.

Nauna nang ikinagalit ni Arum ang kabiguan ni Pacquiao na bumalik kay surgeon Neal ElAttrache sa Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los Angeles para sa kanyang follow-up check-up noong Hulyo 4.

Galing si Pacquiao sa kabiguan kay Floyd Mayweather, Jr. noong Mayo 2 sa Las Vegas.

Sinabi ni Arum na maaari niyang itapat si Pacquiao kina WBO light welterweight titlist Terrence Crawford at British superstar Amir Khan sa susunod nitong laban.

 

Show comments