SINGAPORE -- Su-mira agad ng rekord si Sean Terence Zamora para pag-initin ang 10 ginto, 11 pilak at anim tansong medalya na hinakot ng delegasyon ng Philippine Swimming League (PSL) sa pagsisimula ng 2015 Singapore Invitational Swimming Championship kahapon sa Singapore Island Country Club (SICC) dito.
Si Zamora na kinilala bilang Male Swimmer of the Year ay nagtala ng isang minuto at 1.27 segundo para manalo sa boys’ 14-15 100m butterfly.
Ang oras ng mag-aaral ng UST ay mas mabilis sa dating record na 1:02.16 na hawak ni Incheon Asian Games at SEA Games multi-gold me-dalist Joseph Schooling ng host Singapore noong 2010 sa nasabing event.
“Malalakas ang kalaban kaya sa final meters ay ibinuhos ko na ang lahat ng aking makakaya. Target ko rin po kasi ang record,” wika ni Zamora.
Ang tanker ng Diliman Preparatory School na si Paul Christian Cusing ang kumuha ng bronze medal sa 1:05.22 habang ang pilak ay ibinulsa ni Zhong Qing Ang ng Singapore sa 1:02.79.
Nanalo rin ng tig-2 gold sina Micaela Jasmine Mojdeh, beterana ng Ocean All Stars Challenge, sa girls’ 8-9 100m butterfly (1:21.48) at sa 50m breast stroke (44.71) at Charize Julian Esmero na nagwagi sa girls 12-13 200m freestyle (2:26.17) at 50m back (34.40).
Ang iba pang naka-gold ay sina Kyla Soguilon sa girls’ 10-11 50m backstroke (35.49), Martin Jacob Pupos sa boys 16-17 200m freestyle (2:04.52) at Stephen Guzman sa boys’ 10-11 50m backstroke (37-62).