MANILA, Philippines - Dahil wala nang balak si Floyd Mayweather Jr. na pumirma ng bagong kontrata sa Showtime Sports ay posibleng magretiro na siya matapos ang kanyang laban sa Setyembre.
Ito ang pahayag kahapon ni Stephen Espinoza, ang executive vice president at general manager ng Showtime Sports na may karapatang magpalabas ng mga laban ni Mayweather.
Ayon kay Espinoza, balak na ng 38-anyos na si Mayweather na tuluyan nang isabit ang kanyang gloves.
“There is not a shred of truth in all of these reports about an extension being negotiated. From every conversation the two sides have had, Mayweather is sticking to his guns – for the moment – that September 12th will be his final pro-fight,” wika ng Showtime official.
Sinasabing gustong labanan ni Mayweather si light welterweight contender Andre Berto at hangad na magretiro bitbit ang perpektong 49-0 record.
Ang kanyang pakikipagsagupa kay Manny Pacquiao noong Mayo ang kinilalang pinakamalaking boxing match na naitakda kung saan milyones ang kinita ng dalawang boksingero.
Ang matagumpay na pagdaraos ng Mayweather-Pacquiao fight ang nagbigay ng espekulasyon sa mga boxings fans na magkakaroon ng rematch ang dalawa.