PARIS – Sa likod ng mga akusasyon ng paggamit ng bawal na gamot, pandaraya at mabuhusan ng ihi, napagtagum-payan ng British rider na si Chris Froome sa ikalawang pagkakataon ang Tour de France at hindi niya maipaliwanag ang tuwang kanyang nararamdaman.
Tinawid ng 30-gulang na Kenyan-born British rider ang finish line sa Champs Elysees kasama ang kanyang mga teammates para sa kanyang ikalawang Grand Boucle crown na una niyang nakuha noong 2013.
“This is such a great race, what can I say? I feel a lot of emotion,” sabi ni Froome sa pagtatapos ng 21 leg na karera. “Of course it was a very very difficult Tour, both on bike and off it. I’m so happy to be here in yellow. There were a few difficultiers, a few extra stresses outside of the race but that’s cycling in 2015.”
Inakusahan si Froome ng pandaraya mula pa noong nanalo siya sa Tour, dalawang taon na ang nakakaraan at nagreklamo rin siyang binuhusan siya ng ihi sa 14th stage ng karera.
Maraming isyu ukol sa doping sa cycling dahil sa nangyari kay Lance Armstrong na nanalo ng record na pitong beses ng Tour de France ngunit binawi ito matapos matuklasang gumagamit ng performance enhancing drugs.
Ipinagbunyi naman ng mga Briton ang tagumpay ni Froome at naniniwala silang hindi nandadaya ang kanilang pambatong siklista.
Si Andre Greipel ang nanalo sa final stage 21 na kanyang ikaapat sa Tour ngayon.
Runner-up kay Froome si Columbian Nairo Quintana habang ang kanyang Spanish Movistar teammate na si Alejandro Valverde ang third placer.