PORTLAND, Ore. -- Nakasiguro na ang Portland Trail Blazers ng puwesto sa playoffs at gusto nilang isunod ang Northwest Division title.
Hindi pa nananalo ang Trail Blazers ng division title sapul noong 2008-09 nang makasalo nila ang Denver Nuggets.
Ang huling outright title ng Portland ay noong 1991-92 season.
“I’m not even sure the last time we even won a division title,’’ sabi ni All-Star guard Damian Lillard. “I’m sure it’s been tough having OKC around. If any year there was a great opportunity, it’s this year. We just need to keep playing, focus on ourselves, and everything will work out like it’s supposed to.’’
Inangkin ng Blazers ang isang playoff berth matapos kunin ang 109-86 panalo laban sa Phoenix Suns.
Umiskor si Lillard ng 19 points at nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 17 points at 7 rebounds para sa Blazers, ipina-hinga ang kanilang mga starters sa fourth quarter nang magtayo ng 92-65 kalamangan.
Umabot pa sa 31 points ang kalamangan ng Phoenix.
Ito ang ikaapat na sunod na kabiguan ng Suns at posible pang mawala sa playoff picture.
Sa Toronto, kumamada si DeMar DeRozan ng career-high na 42 points at dinuplika ang kanyang career high na 11 rebounds para igiya ang Raptors sa 99-96 paggiba sa Houston Rockets.
Ito ang pang-walong sunod na panalo ng Toronto laban sa Houston sa kanilang balwarte.
Isinalpak ni DeRozan ang go-ahead turnaround bank shot sa huling 1:27 minuto sa final quarter at sinelyuhan ang panalo ng Raptors sa kanyang jumper laban kay James Harden sa nalalabing 18 segundo.