Naka-move on na sa issue vs Ginebra nasa Meralco na ang focus ng Painters

MANILA, Philippines – Naging kontrobersyal ang panalo ng Rain or Shine laban sa Barangay Ginebra sa kanilang quarterfinals game noong nakaraang Sabado.

Ito ay dahil sa kabiguan ng mga referees na tawagan ng 24-second shot clock violation ang Gin Kings bago pa man matapikan ng bola ni Elasto Painter guard Jeff Chan si import Michael Dunigan sa huling 4.9 segundo.

Ayon kay PBA Commissioner Chito Salud, dapat ay tinawagan ng shot clock violation ang Ginebra na hindi nangyari at nagresulta sa fastbreak layup ni Chan para sa 92-91 pagtakas ng Rain or Shine.

Kinalimutan na ni Elasto Painters’ head coach Yeng Guiao ang nangyari at sa halip ay mas tututukan ang best-of-five semifinals series nila ng Meralco Bolts sa 2015 PBA Commissioner’s Cup.

Nakatakdang laba-nan ng Rain or Shine ang Meralco sa Game One ng kanilang semifinals showdown ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Winalis ng Bolts ang best-of-three quarterfinals duel nila ng NLEX Road Warriors, 97-82 at 91-85 habang hindi nagamit ng Elasto Painters ang kanilang ‘twice-to-beat’ advantage sa pagsibak sa Gin Kings, 92-91.

“We are just an experienced team but not ta-lented as Meralco,” pagkukumpara ni Guiao.

Muling aasahan ng Rain or Shine sina Chan, import Wayne Chism, Paul Lee, Beau Belga, Gabe Norwood at center Raymond Almazan katapat sina reinforcement Josh Davis, Gary David, Mark Macapagal, Mike Cortez, Cliff Hodge at Reynel Hugnatan ng Meralco.

“It’s nice to be in the semis,” wika naman ni coach Norman Black sa paggiya niya sa Bolts sa semis sa kanyang ikalawang komperensya. “It feels good to have this achievement with Meralco.”

Sisimulan naman ng Talk ‘N Text at ng nagdedepensang Purefoods ang kanilang best-of-five semis series bukas ng alas-7 ng gabi sa Big Dome.

Show comments